-- Advertisements --

Muling nanawagan si Senator Erwin Tulfo para sa agarang pagpasa ng Media Workers’ Magna Carta matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13 na ikinapahamak at ikina-trauma umano ng mga mamamahayag na nagbabalita sa Upper Chamber.

Sa isang pahayag, tinawag ni Tulfo na “blatant disrespect” ang sitwasyon ng mga mamamahayag na araw-araw umano ay nalalagay sa panganib kahit kulang sa benepisyo at seguridad sa trabaho.

Ayon sa senador, mahalagang papel ang ginagampanan ng media sa paglalantad ng katotohanan lalo na sa mga insidenteng may kinalaman sa karahasan at pananagutan ng mga awtoridad.

Iginiit din niya na dapat sana ay pinayagan ng mga awtoridad ang mga reporter at cameramen na mag-cover sa lugar ng insidente upang magsilbing dokumentasyon sa naging kilos ng law enforcement.

Binigyang-diin ni Tulfo na karamihan sa mga mamamahayag na nadamay sa insidente ay mga Senate beat reporters at hindi sanay sa pag-cover ng mga armadong engkuwentro.

Dahil dito, muling itinulak ng senador ang pagpasa ng Senate Bill No. 249 o ang “Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act,” isa umano sa kaniyang pangunahing priority measures sa Senado.

Layunin ng panukala na tiyakin ang standardized minimum compensation, overtime pay, night shift differential, security of tenure, hazard allowance, at insurance benefits para sa mga media worker.

Ayon kay Tulfo, hindi lamang usapin ng sweldo ang panukala kundi pagkilala rin sa dignidad at karapatan ng mga mamamahayag na nasa “frontlines” ng press freedom.

Dagdag pa niya, ang nangyaring shootout sa Senado ay isa lamang umano sa maraming panganib na araw-araw na kinahaharap ng mga mamamahayag sa bansa.