-- Advertisements --

Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang pagdedeklara sa unang Lunes ng Agosto ng bawat taon bilang National Line Workers Appreciation Day.

Ito ay nakapaloob sa Senate Bill No. 2484 sa ilalim ng Committee Report No. 104, na kanyang inisponsoran sa plenaryo ng Senado.

Ayon kay Tulfo, layunin ng panukala na mabigyan ng nararapat na pagkilala ang libu-libong line worker na kabilang sa mga gumagawa ng mapanganib na trabaho sa bansa, ngunit mahalaga sa pang-araw-araw na buhay ng milyun-milyong Pilipino.

Sinabi ng senador na madalas ay hindi napapansin ang mga line worker kapag maayos ang serbisyo ng kuryente, ngunit sila ang kabilang sa mga unang rumeresponde kapag may kalamidad o nagkakaroon ng problema sa power supply.

Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng National Electrification Administration o NEA, katuwang ang Department of Energy at iba pang stakeholders sa power industry, ang mga programa para sa taunang paggunita sa National Line Workers Appreciation Day.

Kabilang sa mga maaaring isagawa ang safety at skills training, seminars at learning sessions, public awareness campaigns, at iba pang aktibidad na makatutulong sa kaligtasan, kapakanan at professional development ng mga line worker.

Binigyang-diin ni Tulfo na mahalagang kilalanin ang mga manggagawang humaharap sa panganib upang mapanatiling may kuryente ang mga tahanan at komunidad.

Kaya naman, hiniling niya sa mga kapwa senador ang agarang pagpasa ng panukala.