-- Advertisements --

Muling nanawagan si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo para sa mabilis na pagpasa ng panukalang Masterplan for Infrastructure and National Development o MIND Act, na naglalayong bumuo ng komprehensibong plano para sa mga imprastraktura sa buong bansa.

Nakabinbin pa sa Senate Committee on Economic Affairs ang panukala, na muling binigyang-diin ni Tulfo kasabay ng pagsisimula ng talakayan sa panukalang 2027 national budget.

Ayon kay Tulfo, dapat maiugnay sa isang pangmatagalang plano ang mga proyektong isinasagawa at ipinapanukala upang maiwasan ang mga nakatenggang, hindi natatapos at substandard na imprastraktura.

Sinabi ng senador na inilantad ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha ang mga sirang tulay at kalsada, gayundin ang mga proyektong hindi natuloy matapos pondohan ang unang yugto.

Binigyang-diin niya na nag-aaksaya ng pondo ng bayan ang mga proyektong hindi napapakinabangan ng publiko dahil sa kakulangan sa pagpaplano.

Iginiit din ni Tulfo na kailangang tukuyin at tapusin ang mga nakabinbing proyekto, habang ang mga bagong panukala ay dapat nakaayon sa mga plano hanggang sa lokal na antas.

Dapat aniyang matibay, pangmatagalan at kayang tumugon sa matinding kondisyon ng panahon ang mga pampublikong imprastraktura, anuman ang administrasyong nakaupo.

Nauna nang sinabi ni Tulfo na pangungunahan niya ang pormal na imbestigasyon ng Senado sa mga umano’y substandard na proyektong inilantad ng mga nagdaang pag-ulan at pagbaha.