-- Advertisements --

Sinuportahan ni Senator Erwin Tulfo ang imbestigasyon sa Pax Silica Hub na sinisimulan nang i-develop sa New Clark City, Tarlac.

Nais din ng senador na malinawan kung saan kukunin ang malaking suplay ng tubig at kuryente na kakailanganin para sa proyekto.

Bagama’t suportado ni Sen. Erwin ang layunin ng proyekto na siyang magbibigay ng maraming oportunidad para sa mga Pilipino ngunit giit niyang dapat ipaliwanag ng mga ahensiyang sangkot kung paano tutugunan ang pangangailangan nito sa tubig at kuryente.

“Maganda po yung layunin—nabasa ko po, ilang araw ko na po inaaral. It will generate thousands of jobs. Siyempre, we will become a hub dito po sa artificial intelligence dito po sa Southeast Asia,” pahayag ni Tulfo.

“Pero, Ginoong Pangulo, tulad po ng nabanggit din ni Sen. Raffy, na may mga kaakibat itong mga suliranin na dapat sigurong malinawan tayo,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), mangangasiwa sa proyekto, na gagamitin ng Pax Silica Hub hindi sila aagaw sa ground water ng komunidad kung hindi gagamit ng tubig-ulan.

Gayunpaman, iginiit niya sa BCDA, na dapat maglatag ito ng malinaw na plano para matiyak na sapat ang tubig at kuryente ng proyekto nang hindi napapabayaan ang pangangailangan ng mga residente.

Hiniling din niya sa Department of Energy na ipaliwanag kung saan manggagaling ang kuryente para sa proyekto at kung may posibilidad banag maapektuhan ang suplay sa mga karatig na lugar.

“Kailangan dapat din po masagot dito ng Department of Energy saan po kukuha ng kuryente at baka maapektuhan ang mga karatig na pook,” ani Tulfo.

Binanggit din ni Tulfo ang mga reklamong natatanggap mula sa ilang local government units at pangamba ng mga indigenous community sa Tarlac.

“Sumusuporta po ako dito po sa Pax Silica pero at the same time, bago po natin yakapin ito at tanggapin, kailangan lang po natin maliwanagan,” ani Tulfo.

Ayon sa BCDA, ang Pax Silica ay inisyatibo ng 35 bansa
upang palakasin ang mga global supply chain ng mga critical minerals na ginagamit sa mga semiconductors, artificial intelligence, at iba pang advanced technologies industries.