Napansin ni Deputy Speaker at La Union 1st district Rep. Paolo Ortega V ang umano’y pagbabago sa pagtanggap ng publiko sa mga pahayag at alegasyon ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV laban sa pamilya Duterte.
Ayon kay Ortega, mas bukas na umano ang mga Pilipino na suriin ang mga inilalabas ni Trillanes kumpara noong unang ibinahagi niya ang mga ito ilang taon na ang nakalipas.
Naging bahagi rin umano ng mga pagtalakay ang mga naturang alegasyon sa mga pagdinig ng house quad committee at Senate Blue Ribbon Committee.
Inaasahang haharap si Trillanes bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong linggo.
Sinabi ni Ortega na limitado lamang umano ang naiprisinta ng dating Senador sa house justice committee hearings dahil sa isang oras na itinakdang oras para sa kanyang presentasyon.
Ayon pa kay Ortega, maaaring may iba pang dokumento o impormasyon na ilahad si trillanes, lalo na’t sinabi ng dating senador na ilan sa mga hawak niyang dokumento ay nakuha noong siya ay senador pa.
Samantala, patuloy na sinusuri ng house prosecution panel ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y unexplained wealth ni VP Sara.
Sa mga naunang pagdinig, kinumpirma ng anti-money laundering council ang ilang transaksyong lumabas sa kanilang records, bagama’t hindi pa nabeberipika ang kabuuan ng mga dokumentong iniharap.
















