-- Advertisements --

Sinabi ng Malacañang na dapat maging alerto ang isang mayor sa mga kontrata at transaksyon ng city government, kasunod ng testimonya ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na wala siyang kaalaman sa business interest ng kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte sa GenCorp.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hindi sila maaaring humusga sa naging pahayag ni Baste sa impeachment trial. Gayunman, aniya, hindi dapat manatiling walang alam o walang pakialam ang isang lider sa mga transaksyong sakop ng kaniyang tanggapan.

Binigyang-diin ni Castro na maaaring maintindihan kung hindi agad napansin ng isang lider ang isang transaksyon sa unang bahagi ng kaniyang termino. Ngunit kung paulit-ulit nang nakikipagtransaksyon ang pamahalaan sa isang kumpanya at hindi pa rin ito napapansin, aniya, dapat nang magtanong at magsuri.

Samantala, inihayag ni Baste sa paglilitis na 19 na kontrata ang iginawad ng Davao City sa GenCorp, habang kinilala rin niya ang kaniyang responsibilidad bilang head of the procuring entity ng lungsod.