Inihayag ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na hanggang October 2 na lamang ang pagtanggap nila ng aplikasyon para sa special permits ng mga pampublikong sasakyan bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas. Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty Greg Pua, magiging epektibo ang mga special permit mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 6.
Ito ay para matiyak na sapat ang mga pampublikong sasakyan, partikular ang mga bus, upang maiwasang ma-stranded ang mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Sa ilalim ng special permit, papayagang bumiyahe ang mga kwalipikadong pampublikong sasakyan sa labas ng kanilang regular na ruta upang matugunan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero.
Kabilang sa mga kinakailangan sa aplikasyon ang rehistro ng sasakyan, valid na passenger accident insurance at iba pang kaukulang dokumento.
Nilinaw naman ng ahensya na hanggang 50% lamang ng kabuuang awtorisadong yunit ng bawat operator sa isang ruta ang maaaring mabigyan ng special permit. Dapat ding hindi lalampas sa 14 na taon ang edad ng sasakyan.
Matatandaang mahigit 800 pampasaherong bus ang nabigyan ng special permits noong nakaraang Undas.
















