Planong maghain ng petition for bail sa Sandiganbayan ang kampo ni dating house speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Lunes, Setyembre 28, kaugnay ng kinakaharap niyang plunder case.
Ayon kay defense lawyer Ade Fajardo, matagal nang nakahanda ang kanilang petition ngunit hinintay muna nilang matapos ang pre-trial proceedings bago Ito ihain.
Nakaiskedyul ang bail hearings mula Oktubre 12 hanggang Nobyembre 12, tuwing Lunes, Martes at Huwebes.
Maghahain ang prosecution ng 23 witnesses upang suportahan ang posisyon nitong malakas ang ebidensya laban kay Romualdez.
Sinabi ni Fajardo na susuriin muna ng defense ang ebidensya ng prosecution bago magdesisyon kung sinu-sino sa kanilang 40 witnesses ang ihaharap.
Posible rin umanong tumestigo si Romualdez sa paglalahad ng kanilang ebidensya.
Si Romualdez ay nahaharap sa plunder case kaugnay ng umano’y P7.4-bilyong kickback scheme na may kaugnayan sa flood control at iba pang government projects.
Dumalo siya sa pre-trial proceedings nitong Biyernes sa pamamagitan ng videoconference mula sa new Quezon City jail dahil sa umano’y panganib sa kanyang transportasyon.
















