-- Advertisements --

Aabot sa Php 61B ang panukalang pondo para sa operasyon ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa sa 2027.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bahagyang mas mataas ito kumpara sa Php 60B inilaan ngayong 2026. Ang naturang pondo ay bahagi ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na ginagamit ng mga paaralan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa panukalang 2027 budget, tataas sa Php 2,982 mula sa Php 2,792 ang alokasyon sa bawat mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6. Maglalaan naman ng Php 2,744 sa bawat Junior High School student at Php 3,558 sa bawat Senior High School student.

Kasabay nito, ipatutupad ng DepEd ang Simplified Normative Funding Formula (SNFF) upang gawing mas simple at patas ang pamamahagi ng pondo batay sa bilang ng mga mag-aaral at iba pang datos ng paaralan.

Layunin nitong mapabilis ang paglalaan ng pondo at matiyak na may sapat na budget ang mga pampublikong paaralan para sa kanilang pangunahing pangangailangan.

Gayunman, ang nasa P61B ay bahagi pa lamang ng panukalang 2027 national budget na kinakailangang aprubahan ng Kongreso.