-- Advertisements --

Nanawagan ang environmental group na BAN Toxics sa pamahalaan na huwag madaliin ang pagtatayo ng Pax Silica at ang paglagda sa mga kasunduang kaugnay nito, sa gitna ng mga tanong hinggil sa posibleng epekto ng proyekto sa kalusugan ng publiko at sa kalikasan.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Thony Dizon, advocacy and Campaigner ng BAN Toxics, na bagama’t madalas na binibigyang-diin ang mga benepisyo ng pasilidad tulad ng dagdag na trabaho at kontribusyon sa ekonomiya ng rehiyon at bansa, kailangan ding masusing suriin ang mga posibleng epekto nito sa kapaligiran at kalusugan.

Ayon kay Dizon, marami pang katanungan ang lumilitaw kaugnay ng proyekto kaya iginiit ng grupo na dumaan ito sa tamang proseso, kabilang ang siyentipikong pagsusuri at malawakang konsultasyon.

Mahalaga rin aniya na marinig ang mga komunidad na maaaring maapektuhan ng proyekto, gayundin ang mga environmental group, upang masuri nang maigi ang magiging epekto ng pasilidad sa kalikasan at kalusugan ng mamamayan.

Binigyang-diin pa niya na kailangang ilahad ng pamahalaan ang mga konkretong hakbang upang matiyak na mapoprotektahan ang publiko at ang kapaligiran bago tuluyang ituloy ang proyekto.

Giit ng environmental group, dapat balansehin ng pamahalaan ang pagsusulong ng economic development at pangangalaga sa kalikasan.

Hindi umano dapat maging pangunahing batayan ang pagpasok ng mga investors at potensyal na kita ng pasilidad sa pagpapasya kung itutuloy ang proyekto.

Nanawagan ang grupo na isagawa na habang maaga ang proper consultation at public forum, bago pa man tuluyang maitayo at mapatakbo ang Pax Silica, upang mabigyang-linaw ang mga usapin at mapakinggan ang mga pangamba ng mga apektadong komunidad at ng publiko.