Mahigpit na pagbabantay ang isasagawa ng Senado sa PAX Silica initiative upang matiyak na mapapakinabangan ng bansa ang potensyal nitong ambag sa ekonomiya nang hindi isinasakripisyo ang kalikasan, soberanya at karapatan ng mga lokal na komunidad.
Ayon kay Senate President Win Gatchalian, mahalaga ang oversight ng Senado upang matukoy at matugunan ang mga posibleng panganib at hinaing na kaakibat ng inisyatibo.
“Importante na ang Senado ay magkaroon ng oversight at masigurado na ang mga risks at mga hinaing ay matugunan natin,” ani Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na dapat tiyaking pangmatagalan ang pakinabang sa ekonomiya ng PAX Silica, habang pinangangalagaan ang kapaligiran at mga karapatan ng mga magsasaka at katutubo.
Malaki aniya ang potensyal ng inisyatibo na magdala ng high-value technology sector sa bansa, kabilang ang tinatayang 200,000 direktang trabaho at hanggang 800,000 trabaho sa panahon ng konstruksyon.
Gayunman, iginiit ng Senate President na kailangang balansehin ang mga oportunidad na ito sa pamamagitan ng walang-kompromisong oversight.
Tiniyak ni Gatchalian na magpapatuloy ang pagbabantay ng Senado sa lahat ng yugto ng PAX Silica initiative upang matiyak na hindi mauuwi sa kapinsalaan ng kalikasan, soberanya at mga komunidad ang inaasahang pakinabang nito sa ekonomiya.
















