Binigyan ng 90-araw na preventive license suspension ng Land Transportation Office (LTO) ang miyembro ng P-pop girl group na BINI na si Mikha Lim matapos itong mahuli sa isang live video na umano’y gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Ipinakita sa naturang video ang pag-record ni Lim sa kaniyang sarili habang nasa likod ng manibela bago biglang nahulog ang kaniyang cellphone.
Nakunan din sa recording ang kaniyang pag-abot sa ibaba upang kunin ang device, at kalaunan ay ang paghawak dito ng dalawang kamay habang patuloy na nagmamaneho sa kalsada.
Bunsod nito, nagpalabas din ang ahensya ng Show Cause Order laban sa P-pop artist dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Distracted Driving Act at iba pang probisyon ng traffic regulations sa bansa.
Inatasan ng LTO si Lim na personal na humarap sa kanilang tanggapan sa Nobyembre 20 upang magbigay ng kaniyang pormal na paliwanag ukol sa insidente.
Binigyang-diin naman ng pamunuan ng LTO ang patas na pagpapatupad ng batas ukol sa kaligtasan sa kalsada: “Whether famous or not, everyone is expected to abide by traffic laws. If found to have violated them, the LTO will impose the appropriate penalties,” pahayag ni LTO Chief Assistant Markus Lacanilao.













