-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na magpapatuloy lamang ang kanilang organisasyon sa pagsasagawa ng kanilang mga transparency initiatives sa kabila yan ng mga lumalalang pahayag at kampaniya ng Chinese Embassy hinggil sa territorial disputes sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, sa kabila ng mga pahayag ng China hinggil sa umano’y pagtaas ng tensyon sa WPS para mabigyang hustisya ang kanilang mga iligal na aktibidad sa naturang katubigang sakop ng bansa, hindi napapagod ang PCG at ang iba pang katuwang na ahensya para sa pagpapalaganap ng awareness at appreciation sa mga pilipino hinggil sa tunay na sitwasyon at kalagayan sa WPS.

Maliban dito, suportado rin ni Tarriela ang mga pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagpapaalis sa mga Chinese diplomats na nasa bansa ang kanilang magiging ‘last resort’ kung sakali mang hindi pa rin mahinto ang mga online clash na ibinabato ng Chinese Embassy.

Samantala, sa kabila aniya ng mga maaanghang na sagutan nila ng embahada sa social media platforms ay mananatili aniya ang kaniyang pagsagot at pagkilala sa karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong sakop ng exclusive economic zone (EEZ) nito.