-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na walang layunin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masira ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at China sa pagpapatawag kay Chinese Ambassador Jing Quan dahil sa mga pahayag nito tungkol sa posibleng paggamit ng puwersang militar sa West Philippine Sea.

Ayon sa Palasyo, nais ng administrasyon na mapanatili ang pakikipagdayalogo sa Beijing habang ipinagtatanggol ang teritoryo at karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito.

Binigyang-diin din ng Palasyo na magkaibang usapin ang pakikipagtulungan sa China sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan at ang pagtatanggol sa interes ng bansa sa West Philippine Sea.

Nauna nang tinawag ni Marcos na tila banta ang pahayag ni Jing na madaling mananalo ang China kung gagamit ito ng puwersa. Kinuwestiyon naman ng Chinese Embassy ang interpretasyon ng Department of Foreign Affairs, na nagsabing tila nagpapahiwatig ng banta ng puwersang militar ang naturang pahayag.