Itinuruting ni Sen. JV Ejercito bilang banta ang kontrobersiyal na pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan laban sa Pilipinas.
Tinukoy ng senador ang pahayag ng Chinese envoy na ‘kung gugustuhin daw nila na gumamit ng puwersa, madali nilang matatalo ang Pilipinas’.
Giit ng senador, tila hindi pa sapat sa China ang pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino at sa PH authorities sa West Philippine Sea.
Maituturing aniyang bagong pagbabanta ng China sa pamamagitan ng kanilang ambassador ang kontrobersiyal na pahayag ng Jing Quan, dahil wala na itong ibang kahulugan.
Tanong ng senador, kung kapayapaan talaga ang hangad ng China, bakit pananakot ang nangingibabaw sa mga pahayag nito?
Sa kabila nito, sinabi ni Sen. JV, na hindi naghahanap ng gulo ang Pilipinas pero hindi rin magpapasindak ang bansa.
Kasabay nito, mariing kinokokondena ng senador ang ano mang porma ng pananakot—sa salita man ito o sa gawa.














