Kinuwestyon ng grupong Akbayan kung ang pagiging tahimik ni VP Sara Duterte sa mga pangigipit ng China ay dahil sa natanggap ng mga kumpaniyang may kaugnayan sa kaniya, sa milyon-milyong halaga ng pondo.
Ayon kay Atin Ito co-convenor at Akbayan President Rafaela David, ito ang pangunahing tanong ng mga mangingisda, lalo na ang mga nagagawi sa West Philippine Sea kung saan regular ang ginagawa ng Chinese forces at Chinese maritime militia na panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino.
Nagtatanog aniya ang mga mangingisda kung ang dahilan ba ng pagiging tahimik ng pangalawang pangulo sa serye ng panggigipit at panghaharas sa mga frontliner sa West PH Sea ay dahil nabubusalan siya sa mga natanggap na pondo.
Iginiit ni David na kasunod ng mga nabunyag sa impeachment trial na pagpasok ng malalaking halaga ng pera sa mga naturang kumpaniya, magkahalong tanong at galit na ang nararamdaman ng mga mangingisda na lumalaban para sa karapatan ng bansa sa pinag-aagawang karagatan.
Araw-araw umanong iniisip ng mga mangingisda ang kabuhayan nila ngunit sa halip na makapangisda sa sarili nilang karagatan ay parang sila pang dayuhan na kailangan palayasin.
Giit ni David, hindi maliit na halaga ang mahigit P300 million na pumasok sa kumpaniyang pinapatakbo o may kaugnayan sa mag-asawang sina VP Sara at Atty. Mans Carpio, kaya’t nakakapagtaka kung ano ang kapalit nito?
Una nang nagsagawa ng kilos protesta ang mga mangingisdang nagagawi sa WPS bilang panawagan sa tuluyang pagkakapatalsik ni VP Sara mula sa puwesto, kasabay ng nabunyag na isyu.















