-- Advertisements --

Kampante ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kalidad at sa bentahe ng mga ipinamamahaging water filtration kit o bucket adapter filter, bilang tugon sa posibleng magiging epekto ng El Niño.

Ang pamamahagi ng mga filtration kit ay isa sa mga hakbang ng ahensiya laban sa posibleng kakulangan ng tubig na idudulot ng tagtuyot kung saan magagamit ang mga ito upang linisin ang mga naiipon na tubig, tulad ng tubig-ulan.

Kampante ang ahensiya sa kakayahan at kalidad ng mga ito na magsuply ng malinis na tubig sa mga pamilyang nakakatanggap.

Kasabay nito ay hinimok ng DSWD ang publiko na alamin ang tamang paggamit ng portable water filtration kit para magkaroon ng malinis na inuming tubig, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng sakuna tulad ng bagyo at El Nino.

Paliwanag ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao kailangan lamang ikakabit ang filtration unit sa anumang simpleng timba o drum upang agad na ma-filter ang maruming tubig.

Kasama sa mga ipinamamahaging kit ang tubo, filter hanger, cleaning plunger, at kumpletong instructional manual.

Ang mga naturang filtration unit ay may taglay na 0.1 micron filter at may kakayahang pumatay at mag-alis ng mga bacteria tulad ng cholera, salmonella, E. coli, at coliform bacteria.