Kinuwestiyon ni Atty. Lorna Kapunan ang kakayahan ni VP Sara Duterte na mamahala sa Pilipinas sa gitna ng mga nabunyag na umano’y kakulangan niya ng kaalaman sa mga nangyayari sa kaniyang pinamumunuang mga opisina.
Binalikan ni Kapunan ang umano’y joint bank account sa pagitan nina Duterte at ng kaniyang tatay na si dating Pang. Rodrigo Duterte, kasama ang mga napaulat na source o pinagmumulan umano ng kaniyang mga pondo at yaman.
Kung ipipilit ng kaniyang depensa aniya na hindi batid ni VP Sara ang mga naturang financial issues, tulad ng mga nauna nang paninindigan ng kaniyang legal team, paano ipagkakatiwala sa kaniya ang pamumuno sa isang ahensiya o sa isang bansa?
Ayon sa batikang counsel, kuwestyunable ang kakayahan ni VP Sara na maging lider kung totoong wala siyang alam sa mga isyu na kaniyang kinasasangkutan.
Nanindigan din ang abogado na dapat ay batid ni VP Sara ang mga naturang financial matter, dahil kung wala siyang alam sa mga ito, ipinapakita lamang niya ang kaniyang ‘fitness’ na magsilbi o mamuno sa isang public office.
Tanong ni Kapunan, paano pagkatiwalaan ang isang indibidwal tulad ni VP Sara na hindi ‘fit’ para maging bise presidente?
Sa ngayon, wala pang kasagutan ang kampo ni VP Sara sa bagong batikos ni Atty. Kapunan, na isa sa mga nagsisilbing counsel for the prosecution.














