-- Advertisements --

Sa gitna ng mga kakulangan sa silid-aralan, nais ni Senador Bam Aquino na mas taasan pa ang pondo para sa Department of Education sa 2027.

Ayon kay Aquino, kailangang maibalik sa 4 percent ng gross domestic product (GDP) o mas higit pa, ang pondong ilalaan ng bansa sa edukasyon. Sa kasalukuyan aniya, kulang pa ang alokasyon batay sa kanilang pagtaya, dahil sa maraming kailangang tugunan sa sektor ng edukasyon.

Kabilang dito ang bumabang alokasyon para sa school feeding program, at pangangailangang palakasin ang kaligtasan sa mga paaralan.

Kinuwestiyon ni Aquino ang malaking bawas sa pondo ng school feeding program, mula P27 noong 2026 pababa sa P11 sa 2027 proposed budget.

Kailangan aniyang paghandaan ang dagdag na pangangailangan sa pondo dahil sa panukalang pagpapalawak ng libreng pagkain para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, gayundin ang pagtaas ng halaga kada pagkain mula 25 pesos tungo sa 35 pesos.

Nais din ng senador na matutukan ang mahigpit na pagpapatupad sa P68-million Classroom Acceleration Program, na layong tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.

Kailangan din aniya na tiyaking sapat ang pondo para sa mga programang direktang makikinabang ang mga mag-aaral, mga guro, at sa lahat ng mga nagsisilbi sa ilalim ng education sector.