-- Advertisements --

Naniniwala ang People’s Budget Coalition (PBC) na marami pang kailangang gawin para mabantayan ang 2027 National Budget.

Ayon sa grupo, bagaman maayos na ang panukalang pondo, hindi pa rin tapos ang trabaho para rito.

Pinuri ng grupo ang paglabas ng Senado ng isang budget na nasa tamang direksyon ngunit hinimok nito ang mataas na kapulungan na bawasan pa ang ‘corruption risk’ sa ilalim ng 2027 budget para mapagbuti ang serbisyo para sa mga Pilipino at ang kahandaan ng bansa sa panahon ng mga kalamidad.

Ayon sa PBC, malaki ang pagkakaiba ng bersyon ng House of Representatives sa bersyon ng Senado.

Sinabi rin ng grupo na ilang buwan silang kumatok sa mababang kapulungan ngunit hindi man lang sila pinakinggan.

Sa halip, ayon kay PBC co-convenor Kenneth Isaiah Ibasco Abante, ay kinausap na lamang sila ng kapulungan noong kanila nang isiniwalat ang halos P190 billion infrastructure insertions at ang P1 trillion na red flags.

Sa Senado, naging bukas aniya ang pinto mula pa sa simula at pinakinggan ang datos at kuwento ng PBC. Makikita umano ito sa sa improvements o mga pagbabago na nakapaloob sa Committee Report.

Nagpasalamat naman ang grupo sa liderato ng Senado sa pagsusulong ng mas maayos na bersyon pambansang pondo para sa susunod na taon.

Ang PBC ang unang nagsiwalat sa mga proyektong nakapaloob sa panukalang pondo na walang supporting documents, hindi akmang project details, kulang-kulang na project description, atbpang maituturing na red flags.