Pinapabantayan ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang posibleng pananamantala ng mga ‘Dugo-dugo’ at ‘Budol-budol’ gang sa kasagsagan ng holiday season.
Ang Dugo-dugo at Budol-budol ay mga uri ng modus operandi o panloloko na gumagamit ng matinding pang-uuto, pagpapanggap, o psychological na panghihikayat upang makakuha ng pera at mahahalagang gamit mula sa mga biktima.
Kasabay nito ay inatasan ni NCRPO Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher Abrahano ang lahat ng hepe ng pulisya sa Metro Manila na palakasin ang kampaniya laban sa mga naturang grupo.
Payo ng opisyal sa mga ground commander, huwag lamang makuntento sa paghuli sa mga taga-deliver o yaong mga gumagawa ng panloloko kundi habulin din ang mga mismong utak o mga lider na pangunahing kumikita sa likod ng mga naturang modus.
Batay sa record ng PNP, ilang insidente ng panlilinlang na ang naitala sa capital region sa pagpasok ng ‘Ber months’.
Kinabibilangan ito ng isang kaso sa Barangay Ugong, Pasig City noong Nov. 2, kung saan natangayan ng mahigit P3 million na halaga ng gamit ang isang pamilya matapos maloko ang kanilang kasambahay ng pekeng tawag tungkol sa medical emergency.
Dalawang kasambahay din ang naaresto sa New Manila noong Nobyembre 25 na iniuugnay sa budol-budol kung saan nakakuha ang hindi bababa sa P3.55 milyong halaga ng pera at alahas.
Noong buwan ng Oktubre, isang senior citizen naman ang nawalan ng kalahating milyong piso (P500,000) matapos mapaniwala ng isang caller na nagpanggap bilang kaniyang anak. Sinabi umano ng naturang caller na siya ay naaksidente at kailangan ng malaking halaga.
Paalala ng NCRPO sa publiko, lalo na sa mga nakakatanda at sa mga kasambahay, huwag agad maniwala sa mga biglaang tawag na humihingi ng pera o mahahalagang gamit.















