-- Advertisements --

Hindi bababa sa pitong estudyante ang nasawi habang 99 na iba pa ang sugatan matapos maganap ang isang malakas na pagsabog malapit sa isang paaralan sa Afghanistan nitong Sabado ng umaga, Nobyembre 28, 2026.

Ayon kay Interior Ministry spokesperson Abdul Mateen Qani ng pamahalaang Taliban, naganap ang insidente sa Anderseir area sa Asadabad, ang kabisera ng lalawigan ng Kunar.

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nag-ugat ang pagsabog sa kapabayaan at kawalan ng pag-iingat sa isang explosives depot na pagmamay-ari ng mga kalapit na kompanya ng pagmimina.

Agad namang isinugod sa mga pagamutan ang mga nasugatang mag-aaral upang mabigyan ng agarang lunas.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pananagutan sa likod ng trahedya.