Binigyang diin ng Office of the Ombudsman na hindi ito papatinag sa ginawang aksyon o hakbang ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico F. Clavano, hindi anila sila papaapekto sa tinawag na ‘dilatory tactics’ ng kampo nito sa malalimang imbestigasyon kontra korapsyon.
Ito’y bunsod nang maghain ng petisyon sa Korte Suprema si Co upang humiling ng TRO o Temporary Restraining Order mapigilan ang implementasyon ng resolusyon ng Office of the Ombudsman.
Partikular ito sa kasong graft at malversation na inirekumendang isampa ng tanod-bayan bilang kaso sa Sandiganbayan.
Giit kasi ng dating mambabatas na nilabag umano ang kanyang karapatan magkaroon ng due process dahil hindi raw siya nabigyan ng abiso upang makapaghain ng kontra-salaysay.
Subalit sa kabila nito, nanindigan ang Office of the Ombudsman na sila’y hindi papadala sa taktikang mapabagal lamang ang imbestigasyon laban sa kanyang mga ilegal at korapsyon nagawa.
Ibinahagi pa ni Assistant Ombudsman Clavano na mananatili silang nakapokus hinggil sa pag-iimbestiga kontra katiwalian.















