-- Advertisements --

Nanawagan si Department of Justice Sec. Fredderick A. Vida sa publiko na makiisa sa pagtitipid ng kuryente sa kani-kanilang mga tahanan.

Binigyang diin ni Justice Sec. Vida na ang gawaing pagtitipid sa konsumo ng enerhiya o kuryente ay dapat tulong-tulong o ambag ng lahat.

Naniniwala siyang sa pamamagitan nito ay hindi lamang makatitipid ang mga mamamayan kundi mapepreserba pa maging ang suplay na mayroon ang Pilipinas.

Bagama’t aniya nakapag-aalala ang mga pangyayari at epektong dulot ng kaganapan sa Gitnang Silangan, hinimok niya ang publiko na patuloy manalangin.

Ang naturang pahayag ay kasunod sa isinasagawa ng pagtitipid ng enerhiya sa mga opisina ng Department of Justice kung saan ipinatutupad ang ilang mga restriksyon o pagbabago sa gawain o trabaho.

Kaugnay sa usapin pagtitipid, inirekumenda naman ni Justice Sec. Fredderick Vida na magkaroon ng pagbabago sa ‘fuel allocation’ ang kagawaran para sa mga kawani nito.

Aniya’y tatapyasan nila ng 20% ang alokasyon ng Department of Justice pang-gasolina ng mga opisyal bilang pakikiisa sa pagtitipid.

Layon aniya rito na makatulong pang lalo sa pagpapahaba o pagpapanatili sa suplay ng gasolina na mayroon sa loob ng bansa.

Gayunpaman, pagtitiyak ng kalihim na tuloy-tuloy pa rin ang mga aktibidad, pati trabaho at responsibilidad na gampanin ng ahensiya.

Bagama’t may pagtitipid at ilang mga pagbabago, seseguraduhin aniya nila na hindi ito makaaapekto sa trabaho na pokus maging epektibo sa kanilang mga opisina.