-- Advertisements --

Pormal nang lumagda ang Department of Justice, Bureau of Customs, at National Bureau of Investigation sa isang Tripartite Memorandum of Agreement (MOA).

Personal na dumating sa DOJ at pumirma sa naturang kasunduan ang mga lider ng ahensiya na sina Justice Secretary Fredderick Vida, NBI Dir. Atty. Melvin Matibag, at Customs Comm. Ariel Nepomuceno. 

Layon sa kasunduan na mapagtibay ng mga ahensiya ang kanilang ugnayan upang labanan ang ‘agricultural smuggling’ sa bansa. 

Ayon kay Justice Sec. Vida, bubuo sila ng ‘joint task force’ para sa koordinasyon, imbestigasyon at prosekusyon. 

Babala ng kalihim sa mga ‘smugglers’ at pati mga sangkot na kawani ng pamahalaan sa ilegal na gawain na tiyak kanilang uusigin. 

Kasabay sa paglagda ng tatlong ahensiya sa kasunduan, sinaksihan ito ng dating kalihim ng Department of Justice, ngayo’y si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla. 

Binigyang diin ng Ombudsman na walang sasantuhin papanagutin, anuman ang posisyon, ranggo, koneksyon at impluwensiya. 

Bukod sa kaniya’y nagbahagi din ng kanilang mga pahayag ng pakikiisa sina NBI Dir. Atty. Melvin Matibag at BOC Comm. Ariel Nepomuceno.