Iginiit ng Department of Justice na hindi maapektuhan ang ‘missing sabungeros case’ kahit pa bigo nang makontak ang pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang kawalan ng komunikasyon o pagkabigong makipag-ugnayan ng mga kaanak ay hindi makakaapekto sa aspetong ‘kriminal’ ng kaso.
Makakaapekto lamang aniya ito kung halimbawa’y ang mga kaanak ng biktima ay may personal na kaalaman sa pagkawala ng kanilang minamahal sa buhay.
May bigat kasi sa kaso sakaling mismong mga pamilya ng ‘missing sabungeros’ ang nakakita ng pangyayari ngunit kung base lamang sa ulat ng mga awtoridad, wala raw itong magiging epekto.
Napansin kasi ng Department of Justice na unti-unting nawawala na ang mga pamilya o ‘complainants’ sa ‘missing sabungeros case’.
Hindi na aniya makontak ang mga kaanak ng biktima, maging sa kanilang pribadong abogado ay putol na din umano ang komunikasyon.
Bukod tanging isang pamilya na lamang daw ang patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Justice patungkol sa kasong inihain.
Sa kabila nito, pagtitityak ng Department of Justice na hindi mahihinto ang prosekusyon sa pagpresenta ng mga ebidensiyang kinakailangan sa kaso.
Habang ayon kay Prosecutor General Fadullon, nasa mga kamay na ng hukuman ang magiging desisyon kung mahahatulan may sala o maabswelto ang mga akusado sa kaso.
















