-- Advertisements --

Nanawagan si Davao City 1st District Representative Pulong Duterte ng komprehensibo at hindi ‘selective’ na imbestigasyon sa umano’y mga naganap na extrajudicial killings noong panahon ng kaniyang ama na si former Pres. Rodrigo Duterte.

Ito ay kasabay ng pagkakabuo ng Truth Commission, isang grupo na binubuo ng mga human rights advocate na pinangungunahan ni dating International Criminal Court (ICC) Judge Raul Pangalangan.

Giit ng dating presidential son, hindi puwedeng pinipili lamang ang gustong hanapan ng katotohanan, at sa halip ay dapat maging kumprehensibo ang isasagawang imbestigasyon ng naturang komisyon.

Ang mga ulat ng pagpatay aniya ay dapat masusing maimbestigahan at ang sinumang matukoy na responsable ay dapat mapanagot, ngunit kung totoong Truth Commission nga ang naitatag na komisyon, hindi ito dapat nakapokus lamang sa ‘ilang katotohanan’ at sa halip ay sa buong katotohanan.

Tanong pa ng mambabatas, kung totoong Truth Commission, bakit mistulang may truth na naka-fast track at may truth na naka-pending?

Inihalimbawa rin ng mambabas ang isyu ng mga maanomalyang flood control projects na dapat sana ay binabantayan ng mga investigating panel tulad ng Truth Commission.

Aniya, dapat ito ang maging focus ng mga imbestigador at tukuyin kung saan napunta ang pera, sino ang nakinabang, sino ang nagpanukala sa mga proyekto, at sino ang nagprotekta sa mga sangkot.