Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene matapos pumalo sa US$99.41 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil.
Sa ilalim ng Executive Order No. 125, pansamantalang walang excise tax ang LPG, maliban kung ginagamit bilang hilaw na materyales sa paggawa ng petrochemical products.
Kasama rin sa suspensyon ang kerosene, maliban kung ginagamit bilang aviation fuel.
Inirekomenda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang hakbang matapos i-certify ng Department of Energy (DOE) na umabot sa US$99.41 kada bariles ang average presyo ng Dubai crude oil batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) sa nakalipas na 30 araw.
Muling susuriin ng DBCC, kasama ang DOE, ang suspensyon makalipas ang 15 araw at buwan-buwan pagkatapos nito.
Maaari nitong irekomenda kay Pang. Marcos ang pagpapatuloy, pagbabago, pagpapalawig o pagtatapos ng suspensyon.
Inatasan din ang DOE at Department of Finance na magsagawa ng imbentaryo ng mga nakaimbak na LPG at kerosene bago maging epektibo ang kautusan.
















