Nagpakalat ang Department of Energy (DOE) sa pamamagitan ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) ng mga inspection team sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang matiyak na ipinatutupad ng mga gasoline station ang inianunsyong bawas-presyo sa petrolyo.
Ayon sa ahensya, isinasagawa ang mahigpit na pagbabantay na ito kasunod ng ipinatupad na malaking bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kasalukuyang minomonitor ng mga tauhan ng DOE ang mga estasyon ng langis sa mga pangunahing lansangan at estratehikong lugar upang masigurong naipatupad nang tama sa pump prices ang rollback at mapakinabangan ito ng mga motorista.
Bukod sa Metro Manila, iniulat din ng kagawaran na nagpapatuloy ang mga katulad na operasyon sa iba’t ibang rehiyon sa pamamagitan ng kanilang mga Field Office sa buong bansa.
Nagbanta naman ang DOE na mahaharap sa kaukulang parusa at administratibong sanction ang mga fuel retailer na mapapatunayang lumalabag sa mga itinakdang patakaran at presyo.
Hinimok din ng pamahalaan ang publiko na agad i-report ang mga nakikitang iregularidad sa presyuhan sa pamamagitan ng eGovPH App upang matugunan kaagad ng mga awtoridad.














