Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326, na opisyal na nagtatakda ng limang taong termino ng panunungkulan para sa mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).
Kasabay ng pagpasa ng bagong batas, hinikayat ng Pangulo ang mga kasalukuyang nanunungkulan na gamitin ang karagdagang panahon upang higit na mapabuti ang kanilang serbisyo-publiko.
Binigyang-diin ng Punong Ecutibo na ang mas mahabang termino ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga lokal na pinuno na tapusin ang mga nasimulang programa at tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga komunidad, pamilya, at kabataan.
Ayon pa sa Pangulo, ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay nangangahulugan din ng dagdag na panahon para maglingkod at buong-pusong gampanan ang kanilang pananagutan sa taumbayan.
















