Hiniling ng defense team ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa international Criminal Court o ICC na bawasan ang dami ng ebidensyang isinumite ng prosekusyon, na sinabing maaaring makaapekto sa kanilang paghahanda para sa paglilitis.
Sa filing na inihain noong Setyembre 25, sinabi ng lead defense counsel na si Peter Haynes na lumobo ng 978 porsiyento ang prosecution evidence, mula 5,275 items tungo sa 62,130 files na katumbas ng mahigit 320,000 pahina. Ayon sa depensa, aabutin ng tinatayang 16,000 oras para masuri ang mga dokumento bago ang nakatakdang trial sa nobyembre 30.
Kinuwestiyon din ng depensa ang kalidad at relevance ng ilang files, kabilang ang sinasabing maling metadata, duplicate documents, Hindi mabasang scans, hiwa-hiwalay na pahina at mga dokumentong umano’y walang direktang kaugnayan sa 49 na insidenteng saklaw ng kaso.
Partikular na tinukoy ng depensa ang isang dataset na may 44,400 items na naglalaman umano ng impormasyon kaugnay ng mahigit 20,000 drug-related deaths.
Inakusahan din nito ang office of the prosecutor ng paggamit ng automated AI-generated summaries sa pagproseso ng ilang files, isang pahayag na bahagi ng argumento ng depensa sa kanilang motion.
Upang maiwasang maantala ang trial, iminungkahi ng depensa na gumawa ang prosekusyon ng bagong case file na Hindi lalampas sa 10,000 properly reviewed items, kabilang ang relevant, verified at non-duplicative evidence at mga materyal na maaaring pabor kay Duterte.
Inaasahang magpapasya ang Trial Chamber III sa mosyon sa mga susunod na araw.
















