-- Advertisements --

Nanawagan si Manila 6th district Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr sa senate impeachment court na pag-aralan kung maaaring lumabag sa sub judice rule ang mga pahayag ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos ilarawan ni Panelo bilang “Lokohan” ang ilang pangyayari sa impeachment proceedings at kuwestiyunin ang naging ruling ng impeachment court sa conviction threshold.

Ayon kay Abante, dapat suriin ng mga Senator-judge kung may pananagutan si Panelo dahil ang kanyang mga pahayag ay tumatalakay sa mga usaping nakabinbin sa impeachment trial.

Bagama’t hindi siya bahagi ng defense team, sinabi ni Abante na mahalagang isaalang-alang ang kanyang posisyon bilang spokesperson ng bise presidente.

Bumoto ang impeachment court ng 13-1, habang anim na senator-judge ang hindi lumahok, upang baguhin ang naunang interpretasyon sa two-thirds conviction threshold.

Sa bagong ruling, ang magiging denominator ay ang mga Senador na legal at factual na may kakayahang lumahok sa oras ng botohan.

Noong Agosto, nagpatupad ang impeachment court ng mas mahigpit na sub judice rule at dati nang naglabas ng show-cause orders laban sa dalawang miyembro ng prosecution panel dahil sa kanilang mga pahayag tungkol sa kaso.

Dahil dito, hinikayat ni Abante ang mga senator-judge na suriin din ang mga pahayag ni Panelo.