Hinamon ni Rodulfo Gracioso Jr. sina Vice President Sara Duterte at former House Speaker Lord Alan Velasco na sumalang sa ‘lie detector test’.
Giit ng dating security aide ni former House Speaker Velasco na dapat magpa-lie detector test ang mga nabanggit upang mapatunayan aniya kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.
Ngayong araw ay dumating si Gracioso sa tanggapan ng National Bureau of Investigation, kasama si Fr. Flavie Villanueva.
Sa kanilang pagpunta ay nagsumite si Gracioso ng kanyang sinumpaang salaysay kaugnay sa mga alegasyon pag-deliver ng male-maletang pera sa pamilya Duterte.
Isiniwalat kasi ng dating security aide ni House Speaker Velasco na nag-deliver ito ng aabot sa bilyun-bilyong piso halaga ng pera noong 2018 hanggang 2022.
Ngunit nang matanong siya kung bakit ngayon lamang siya lumantad at isinapubliko ang mga ito, sagot niya’y hindi raw kasi siya tinulungan nang magkasakit sila ng kanyang ama.
Ayon kay Rodulfo Gracioso Jr, isinumite na niya sa NBI ang mga ebidensya, kabilang mga litrato at videos na susuporta sa kanyang mga alegasyon.
















