-- Advertisements --

Sinuspinde nang isang linggo ang face-to-face classes sa Tabunok Central Elementary School sa Lungsod ng Talisay, Cebu, bunsod ng naitalang pagdami ng mga kaso ng dengue.

Ayon sa ulat, naging agarang hakbang ito ng lokal na pamahalaan at pamunuan ng paaralan upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa nasabing sakit.

Gagamitin ng City Health Office at Dengue Task Force ang panahong ito upang magsagawa ng malawakang paglilinis, inspeksyon, at pagpuksa sa mga posibleng pamugaran ng lamok sa loob at paligid ng eskwelahan.

Bahagi rin ng isasagawang hakbang ang larval control at pag-iinspeksyon sa mga sulok ng paaralan para siguraduhing malinis at ligtas ang kapaligiran bago bumalik ang mga bata.

Patuloy namang pinapayuhan ang mga magulang na maging mapagbantay sa kalusugan ng kanilang mga anak at panatilihing malinis ang paligid ng tahanan para maiwasan ang dengue.