-- Advertisements --

Nagbigay-linaw si Naga City Mayor Leni Robredo sa kumakalat na larawan niya na nakasuot ng religious regalia matapos dumalo sa isang national convention sa Naga City noong Biyernes, Nobyembre 13.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ng alkalde na hindi niya kumpirmadong dadaluhan ang GLMM National Convention sa Villa Caceres Hotel dahil mayroon na siyang nakatakdang mga aktibidad at pagpupulong sa araw na iyon.

Gayunman, napagpasyahan niyang dumaan sa naturang pagtitipon matapos ipaalam ng kaniyang executive assistant na maraming delegado mula sa labas ng Naga ang umaasang makikita siya.

Pagdating sa hotel, doon na niya nalaman na inaasahan pala siyang magbigay ng welcome message. Dahil wala siyang inihandang talumpati, gumawa siya ng maikling mensahe habang nasa elevator, batay sa temang nakasulat sa tarpaulin ng convention.

Pagkatapos magsalita, hiniling sa kaniya na manatili sa podium upang tanggapin ang plaque of appreciation. Dito rin isinuot sa kaniya ng guest of honor ang regalia bilang pagpapakita ng pasasalamat sa kaniyang pagdalo.

Ipinaliwanag ni Mayor Leni na maganda ang ugnayan niya sa iba’t ibang non-Catholic churches at religious organizations sa lungsod at pinahahalagahan niya ang mainit na pagtanggap ng mga ito.

Bilang alkalde, sinabi niyang tungkulin niyang pagsilbihan ang lahat ng Nagueños, anuman ang kanilang relihiyon.

Gayunman, nilinaw niya na nananatili siyang debotong Katoliko at wala siyang planong talikuran ang kaniyang pananampalataya.