-- Advertisements --

Kampante si dating Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na maaari pang magtulak ang opposition ng ibang kandidato kung buo na ang loob ni Mayor Leni Robredo na hindi tatakbo sa 2028 Presidential Elections.

Ito ay kasunod ng panibagong paggigiit ni Mayor Leni na hindi na siya tatakbo para sa national position sa susunod na halalan.

Ayon kay Lacierda, bagaman marami ang nagnanais na makita si dating VP Leni na muling tatakbo sa pagkapangulo, mapipilitan pa rin aniya ang opposition na magtulak ng ibang kandidato para sa susunod na halalan.

Ibinahagi ni Lacierda na personal niyang kinausap noon si Mayor Leni upang tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo at pagka-pangulo at nagawa din niyang makumbinsi si Robredo.

Naiintindihan umano ni Lacierda ang bigat ng mga naturang posisyon, kaya’t hindi pa niya sinusubukang kumbinsihin si Mayor Leni na muling tumakbo sa pagkapangulo.

Samantala, maaari din umanong itulak ng opposition ang iba pang mga kandidato na may kakayahang maging pangulo ng bansa.

Kabilang dito ang dalawang kasalukuyang senador na sina Senator Risa Hontiveros at Bam Aquino.