Pinapabuhay muli ni Sen. Bam Aquino Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee kasabay ng lumalalang banta ng El Niño
Phenomenon sa buong bansa.
Ang PROTECT Committee ay binuo noong March 2026 para bumuo ng isang komprehensibong national framework para sa pagtugon ng epekto ng giyera sa Middle East partikular sa suplay ng langis at ekonomiya ng bansa.
Ito ay pinamumunuan ni Senate President Sherwin Gatchalian na noo’y chairperson pa lamang ng Senate Finance Committee.
Ayon kay Sen Aquino, ang naturang komite ay isa sa mga maaaring paraan at gabay para sa nagkakaisa at whole-of-government na pagtugon sa anumang posibleng epekto ng naturang weather phenomenon.
Sumulat na rin ang mambabatas kay SP Gatchalian para hilingin ang pagpapatawag muli ng PROTECT Committee.
Nanindigan ang mambabatas na kailangan na ng mabilisang pagtugon sa naturang problema, ngayong hindi pa gaanong malala ang epekto nito, at ang isahang pagkilos ng gobyerno ay malaking bagay upang akma at tugma ang lahat na ihahanay na tulong sa mga Pilipino.
Kabilang sa mga dapat tutukan dito, ayon sa senador, ay ang kabuhayan, edukasyon, agrikultura, kalusugan, pagkain, seguridad, maliliit na negosyo, at essential services.
















