-- Advertisements --

Nagbabala si Senator Francis Kiko Pangilinan na posibleng magkaroon ng leadership vacuum at tuluyang magkawatak-watak ang pwersa ng oposisyon kung paninindigan ni Naga City Mayor at dating Vice President Leni Robredo ang pasya nitong hindi tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028 elections.

Taliwas sa naging pahayag ni Robredo na hindi na siya sasabak sa presidential race, iginiit ng senador na ang dating pangalawang pangulo pa rin ang may kakayahang pag-isahin ang Liberal Party (LP) at iba pang mga kaalyadong grupo.

Ayon kay Pangilinan, ang hindi pagtakbo ni Robredo ay maaaring magdulot ng matinding epekto sa hanay ng oposisyon na magreresulta sa pagpapahina ng kanilang tsansa sa susunod na halalan.

Ipinaliwanag ng mambabatas na kung mangyayari ito, maglalabas ng kani-kanilang mga kandidato ang iba’t ibang political parties, na tuluyan umanong magbibigay ng tagumpay sa kanilang mga katunggali.

Tiwala si Pangilinan na mas malakas ang laban ni Robredo ngayon dahil sa mataas nitong poll numbers, lalo na’t uhaw umano ang mga Pilipino sa good governance at public accountability matapos masaksihan ang malalaking iskandalo ng korapsyon sa bansa.

Matatandaang magka-tandem sina Robredo at Pangilinan noong 2022 national elections.

Kasabay nito, nanawagan ang senador sa lahat ng naniniwala sa tapat na pamamahala na magkaisa at magsakripisyo para sa mas magandang kinabukasan ng bansa.