-- Advertisements --

Nakatanggap ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 100% resolution at compliance rate para sa lahat ng mga reklamo at usapin ng mga taxpayers na ipinasa sa pamamagitan ng Presidential 8888 Citizens’ Complaint Center at Contact Center ng Bayan (CCB) ng Civil Service Commission sa unang kalahati ng taong 2026.

Batay sa nakalap na datos mula Enero hanggang Hunyo 2026, umabot sa 778 na referral ang natanggap ng ahensya kung saan lahat ng ito ay mabilis na naaksyunan at naisara sa loob ng itinatakdang 72-hour period nang walang anumang pagkaantala.

Pinuri at pinasalamatan ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang mga kawani ng ahensya sa kanilang maayos na pagtugon sa publiko at nanawagan na ipagpatuloy ang ganitong antas ng serbisyo para sa mga mamamayan.

Bukod sa 8888 referrals, nakapagtala rin ang BIR ng kaparehong 100% resolution rate sa lahat ng 59 na kaso at 17 reklamo na isinangguni sa kanila sa pamamagitan ng CSC Contact Center ng Bayan sa loob ng tamang panahon.

Ang magandang resultang ito ay bahagi ng Service Excellence at Stakeholder Engagement agenda ng BIR na naglalayong magbigay ng mabilis, maayos, at maaasahang serbisyo sa mga nagbabayad ng buwis sa buong bansa.