-- Advertisements --

Inamin ng forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera sa impeachment trial sa Senado na ang malaki at paulit-ulit na pagkakaiba sa yaman at legal na kita ng isang opisyal ay maaaring magpahiwatig ng sinadyang pagtatago ng ari-arian.

Sa pagtatanong ni Sen. Risa Hontiveros, nilinaw ni Cabrera na hindi awtomatikong nangangahulugan ng hindi maipaliwanag na yaman ang hindi pagdedeklara ng isang ari-arian. Aniya, mahalagang tingnan kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng yaman sa lehitimong kita at kung paulit-ulit itong nangyari sa loob ng ilang taon.

Batay sa pagsusuri ni Cabrera, tinatayang P817.87 milyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Bahagi ang ulat ni Cabrera ng ebidensiyang iniharap ng House prosecution kaugnay ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi wastong pagsisiwalat ng mga ari-arian, pananagutan at netong halaga.