-- Advertisements --

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang pagtutol ng depensa at prosecution sa testimonya ng financial forensic analyst expert na si Atty. Alex Cabrera bago magtapos ang pagdinig sa ika-38 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kahapon.

Sa pagtalakay sa Article II ng impeachment complaint, tinawag ng defense lead counsel na si Atty. Sheila Sison na “erroneous” o mali ang mga konklusyong inilatag ni Cabrera, na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth o ang hindi maipaliwanag na yaman laban sa pangalawang pangulo.

Ayon kay Sison, nabigyan umano ang testigo ng malawak na pagkakataon upang ilahad ang kaniyang mga konklusyon na, giit ng depensa, ay mali kapwa sa usapin ng batas at mga katotohanan.

Dahil dito, hiniling ni House prosecutor Atty. Chel Diokno sa impeachment court na alisin sa rekord ang salitang “erroneous,” sa pagsasabing isa itong konklusyon sa usapin ng batas at ang hukuman ang dapat magpasya kung tatanggapin ang mga opinyon ni Cabrera.

Gayunman, tumutol si Sison sa mosyon ni Diokno, dahilan upang magkaroon ng pagtatalo ang dalawang panig sa pagdinig.

Nakasentro ang kanilang pagtatalo sa paglalarawan ng depensa sa testimonya ni Cabrera, habang nagpapatuloy ang pagsusuri ng impeachment court sa mga alegasyong nakapaloob sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte.