Kinuwestyon ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang pagbawas ng Kamara sa badyet sana ng NDRRMF o National Disaster Risk Reduction and Management Fund sa 2027 national budget.
Kanyang binatikos ang pagtapyas sa nabanggit na pondo kahit pa aniya’y may posibleng kahaharapin ang bansa na epekto ng El Nino.
Sa isang panayam, kinuwestyon ni Rep. Tiangco ang pagbaba ng halos 10-bilyon piso sa pondo ng Disaster Risk Reduction o calamity fund mula sa panukalang P45.67 bilyon patungong P36,17 bilyon na lamang.
Giit niya’y nangyari ang pagbawas sa naturang pondo nang wala umanong paliwanag at hindi din nabigyan pagkakataon upang makapagtanong sa ‘period of interpellation’.
Sinikap aniya itong maibalik ngunit naibasura lamang sa Kamara ang mga kanilang mga naging panukalang dagdag kaya’t hindi maiwasang magduda lalo na sa ‘transparency’ ng proseso.
Kaya’t nabanggit ang patungkol sa hindi pag-usad sa Kamara ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act na may bersyon sa Senado na isinulong naman ni Sen. Bam Aquino.
Layon kasi sa panukalang ito na mapalakas ang ‘transparency’ at pagbabantay sa paggastos ng gobyerno partikular sa pondo ng bayan.
Gamit ang ‘blockchain technology’, titiyakin na ang mga dokumento may kinalaman sa badyet, mga proyekto at iba pa ay maa-access ng publiko.














