-- Advertisements --

Nanatiling pangunahing prayoridad ng Kamara ang edukasyon sa panukalang 2027 national budget, habang dinagdagan din ng P12.23 bilyon ang pondo para sa sektor ng kalusugan.

Sa House General Appropriations Bill na aprubado sa ikalawang pagbasa, nanatili sa P1.107 trilyon ang pondo para sa edukasyon.

Naglaan din ng karagdagang P10.055 bilyon para sa mga programa ng sektor, kabilang ang tulong pinansyal sa mga estudyante, pagsasaayos ng mga paaralan, kaligtasan sa eskuwelahan at paghabol sa nawalang pagkatuto.

Kabilang dito ang P2.1 bilyon para sa Tertiary Education Subsidy, P1.77 bilyon para sa Tulong Dunong Program at P952 milyon para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga pasilidad ng paaralan.

Samantala, umakyat sa P358.82 bilyon ang panukalang pondo para sa kalusugan, mula 346.59 bilyon sa National Expenditure Program (NEP).

Sa karagdagang pondo para sa mga serbisyong pangkalusugan, P23.97 bilyon ang inilaan sa Medical Assistance Program upang palawakin ang tulong sa pagpapagamot at suportahan ang zero-balance billing sa mga pampublikong ospital.

Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson Rep. Mikaela Angela B. Suansing, tiniyak ng Kamara na mapanatili ang kabuuang pondo para sa edukasyon habang dinaragdagan ang suporta sa serbisyong pangkalusugan.

Sa Lunes, October 12, 2026 nakatakdang talakayin at botohan ng Kamara ang panukalang budget sa ikatlo at huling pagbasa at pagkatpos nito kung maaprubahan ipapasa ang panukala sa Senado para sa sarili nitong proseso ng pag apruba.