-- Advertisements --

Nanawagan ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko na umiwas sa pagbili at paggamit ng mga ilegal at mapanganib na paputok habang papalapit ang kapaskuhan, kasabay ng paglulunsad ng kanilang “Oplan Paalala: Iwas Paputok.”

Ayon kay BFP Spokesperson Fire Superintendent (FSupt.) Anthony Arroyo, mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa at pag-iimbak ng paputok sa mga residential area upang maiwasan ang malalagim na aksidente ngayong holiday season.

Binanggit ni Arroyo bilang babala ang naganap na pagsabog sa Pangasinan noong Nobyembre 4 na ikinasawi ng limang katao at ikinasugat ng dalawa pa, pati na rin ang insidente sa Cabuyao, Laguna noong Mayo.

Sa pinakahuling tala, mayroong 69 na lehitimong manufacturer ng paputok sa buong bansa at mahigit 1,000 retailer, habang ang Philippine National Police (PNP) naman ang pangunahing nakatutok sa pagtugis sa mga ilegal na pagawaan alinsunod sa Republic Act No. 7183.

Samantala, nilinaw ni Arroyo na pagdating sa fire safety ng mga istruktura, pumapasok ang BFP sa mga lehitimong pagawaan at tindahan upang suriin kung saan gawa ang gusali, kung sapat ang mga kagamitang pamatay-sunog, at kung nakasusunod ito sa Fire Code of the Philippines.

Ipinaliwanag din ng opisyal na bukod sa regular na inspeksyon sa mga establisimyentong nangangailangan ng Fire Safety Inspection Certificate (FSIC), may kapangyarihan ang BFP na rumesponde at mag-inspeksyon kahit sa mga pribadong tahanan kung may sumbong na may malinaw na banta sa kaligtasan ng publiko.

Hinikayat ni Arroyo ang mga residente na agad ipagbigay-alam sa kanilang himpilan ang anumang nakikitang fire hazard sa kanilang komunidad, gaya ng ilegal na pag-iimbak ng mga paputok o maraming tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), upang maagapan ang posibleng pagsabog o sunog.