-- Advertisements --

Umabot sa 57 pari sa Italya ang nahatulan at nakulong dahil sa sexual abuse sa mga bata mula 2001 hanggang 2021, batay sa inilabas na ulat ng Italian Bishops’ Conference (CEI).

Nakapagtala ang ulat ng 378 kasong isinumbong sa mga awtoridad ng Simbahan na kinasasangkutan ng 356 na hinihinalang salarin at 385 biktima, kung saan halos 70 porsyento ay mga batang lalaki na nasa edad 14 hanggang 17.

Sa kabuuan, 123 sa mga inakusahan ang ini-report sa mga awtoridad ng Italya na nagresulta sa pinal na hatol at pagkakakulong ng 57 pari, habang 218 pari ang dinisiplina ng Simbahan at 87 ang tinanggalan ng pagkapari o sinuspinde sa kanilang ministeryo.

Kinilala ni Cardinal Matteo Maria Zuppi, pinuno ng CEI, ang bigat ng mga krimeng naganap at nanawagan sa Simbahan na buong tapang na harapin ang mga ito.

Gayunman, nilinaw ng mga may-akda ng pag-aaral na hindi pa nito saklaw ang kabuuang lawak ng pang-aabuso dahil nakabatay lamang ang datos sa mga rekord ng Simbahan, kaya inirekomenda ang pagtatayo ng helpline at permanenteng tanggapan para sa mga biktima.