Humiling ang defense panel ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court na maglabas ng subpoena para kay Dr. Lourdes Lebosada, na inaasahang magbibigay ng testimonya kaugnay ng Cale88 Foods Corporation.
Kinumpirma ni Senate Impeachment Court Clerk of Court Renato Bantug ang kahilingan ng depensa, na bahagi ng paghahanda nito sa pagharap sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint laban sa bise presidente.
Kabilang ang Cale88 Foods Corporation sa mga kumpanyang nabanggit sa mga naunang pagdinig ng impeachment court, partikular sa usapin ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at sa mga transaksiyong iniuugnay sa kanyang asawang si Manases Carpio.
Matatandaang sa testimonya ni prosecution witness at financial forensic analyst na si Atty. Alexander Cabrera, tinalakay ang ilang transaksiyong may kaugnayan sa Cale88. Kabilang dito ang umano’y mga bayad na natanggap ni Lebosada mula sa kumpanya, gayundin ang ugnayan niya kay Carpio sa naturang negosyo.
Sa pamamagitan ng testimonya ni Lebosada, inaasahang maipapaliwanag ng depensa ang mga usapin tungkol sa kumpanya at ang mga transaksiyong inilatag ng prosekusyon sa mga naunang pagdinig.
Bukod kay Lebosada, humiling din ang defense panel ng subpoena para kay Bureau of Customs Deputy Commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group Agaton Teodoro O. Uvero.
Inaasahang magbibigay naman si Uvero ng impormasyon hinggil sa mga rekord ng exportation ng Cale88 na nasa kustodiya ng Bureau of Customs.
Sa ngayon, kahilingan pa lamang ng depensa ang pagpapalabas ng mga subpoena. Hindi pa nangangahulugang nakatakda nang humarap sa impeachment court ang dalawang hinihiling na saksi.















