-- Advertisements --

Umaasa umano si House Deputy Speaker Rep. Janette Garin na mahihikayat ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte ang bise presidente na personal na dumalo sa impeachment trial at sagutin ang mga isyung ibinabato laban sa kaniya.

Sa isang press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Garin na nauunawaan niya ang hirap na kinakaharap ng defense panel sa pagharap sa mga ebidensyang inilalatag ng prosecution, lalo na kung nakabatay ang mga ito sa mga numero at dokumentadong datos.

Kaugnay ito ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at sa hindi umano nito pagdedeklara ng mga ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay Garin, mas mabibigyan ng pagkakataong malinawan ang mga katanungan kung mismong si Duterte ang haharap at magbibigay ng paliwanag sa mga alegasyon.

Dagdag pa niya, inilatag na ng prosecution ang mga ebidensyang may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth, conflict of interest at hindi pagsasabi ng katotohanan sa SALN.

Giit ni Garin, nasa depensa na ang responsibilidad na sagutin ang mga paratang at magharap ng sarili nilang ebidensya upang pabulaanan ang mga ito.

Muling magpapatuloy ang impeachment trial ng bise presidente ngayong darating na Dec. 1 upang ilahad ng kanyang kampo ang mga iba pang nakatakdang testigo.