-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Speaker Janette Garin kay Vice President Sara Duterte na personal na humarap sa impeachment court upang linawin at sagutin ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.

Ayon kay Garin, ang impeachment trial ang pinakamainam na pagkakataon upang direktang masagot ni Duterte ang mga katanungan at paratang na tanging siya lamang ang makapagbibigay-linaw.

Binigyang-diin ni Garin na hindi lamang ang prosecution panel ang nagnanais na humarap ang Bise Presidente sa paglilitis, kundi maging ang publiko na nais malaman ang kanyang panig tungkol sa mga alegasyon.

Dagdag pa niya, responsibilidad ng isang halal na opisyal na harapin at sagutin ang mga paratang laban sa kanya, lalo na kung may pagkakataon siyang ipaliwanag ang kanyang panig sa impeachment court.