Umabot sa 30 katao ang nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan matapos masunog at sumabog ang isang fuel tanker sa Cairo Ring Road, sa Al-Warraq, sa Egypt.
Ayon sa Egyptian Ministry of Health, paunang bilang pa lamang ang 30 nasawi at patuloy pang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon.
Batay naman sa Egyptian Petroleum Ministry, nawalan umano ng kontrol ang pribadong tanker truck, lumihis sa kalsada at bumangga bago sumabog.
Aabot sa 39 na ambulansya ang ipinadala sa lugar, habang isinugod sa mga ospital ang 15 sugatan para sa agarang gamutan.
Iniutos ni Health Minister Khaled Abdelghaffar ang pagtataas ng alert level sa central crisis room ng kagawaran at sa mga ospital na malapit sa pinangyarihan ng insidente upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga biktima.
Tumulong din ang Egyptian Red Crescent sa rescue at emergency response operations. Patuloy pang iniimbestigahan at minomonitor ng mga awtoridad ang insidente.








