-- Advertisements --

Tumutol ang depensa sa presentasyon ng prosekusyon sa testimonya ni dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara sa paglilitis sa kasong graft laban kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Iginiit ng mga abogado ng mga akusadong opisyal ng DPWH-MIMAROPA na walang personal na kaalaman si Alcantara sa naturang proyekto at ang kaniyang mga pahayag ay may kinalaman lamang sa naging transaksiyon niya kay Co sa Bulacan.

Ayon sa Depensa, hindi ito konektado sa proyektong pinag-uusapan sa kaso.

Giit naman ng Prosekusyon, mahalaga ang testimonya ni Alcantara upang maipakita ang umano’y benepisyong interes ni Co sa Sunwest, kumpanyang nakakuha ng ilang kontrata ng pamahalaan sa Oriental Mindoro.
S
a kabila ng pagtutol ng Depensa, tinanggap ng Fifth Division ng korte ang testimonya.

Kinuwestiyon din ng Depensa ang inspeksiyon sa project site na isinagawa noong Oktubre 2025 ng Commission on Audit ang unang testigo ng prosekusyon.

Isang bahagi lamang umano ng lugar ang kaniyang nasuri at tapos na ang paghuhukay dito.

Hindi rin niya alam kung sinu-sino ang nagsagawa ng excavation.

Tinukoy ng Depensa na sampung metro lamang sa kabuuang 425 metrong saklaw ng proyekto ang nainspeksiyon at 12 lamang sa 1,065 steel sheet piles ang nasuri.

Sinabi naman ng Prosekusyon na mayroon pa itong limang testigong ihaharap sa paglilitis.